MENU
  • 1 of 5 Banner GWT 25
  • 2 of 5 Banner GWT 25-1
  • 3 of 5 Banner GWT 25-2
  • 4 of 5 Banner GWT 25-3
  • 5 of 5 Banner GWT 25-4

Pasig River Ferry FAQ (Updated April 12, 2017)


1. Anong oras at araw and operasyon ng Pasig River Ferry Service (PRFS)?


Ang Pasig River Ferry Service ay bukas mula Lunes hanggang Sabado at nag-uumpisa ang first trip sa ganap na 6:30 ng umaga mula sa Guadalupe Station papuntang Plaza Mexico. Ang huling biyahe naman ay 5:30 ng hapon mula Plaza Mexico papuntang Guadalupe. At mula Guadalupe papuntang Pinagbuhatan ay 5:30 ng hapon din ang huling biyahe.

2. Ilan ang ferry stations na pwedeng puntahan upang sumakay ng ferry?


Sa kasalukuyan, ang Pasig River Ferry Service ay mayroong 12 stations:
 

  1. Pinagbuhatan (Eusebio Avenue, Pasig City) - Katabi ng Coast Guard Station sa C6 Bridge
  2. San Joaquin (San Bernardo Street, Pasig City) – Malapit sa Sumilan at Bambang Bridge
  3. Maybunga (Dr. Sixto Avenue, Pasig City) – katabi ng Maybunga Barangay Hall
  4. Guadalupe (J.P. Rizal Extension, Makati City) – malapit sa MRT Guadalupe Station at Commercial Mall
  5. Hulo (Coronada Street, Mandaluyong City) – malapit sa Parish of Our Lady of the Abandoned
  6. Valenzuela (A. Bonifacio Street, Makati City) – malapit sa Bonaventure Garden Homes, Riverside Studios Manila at LTO Makati District Office
  7. Lambingan (Bautista Street, Brgy. 897, Zone 99, Punta, Sta. Ana, Manila City)
  8. Sta. Ana (Pedro Gil Street, Sta. Ana, Manila City) – malapit sa Sta. Ana Public Market at Savemore
  9. PUP (Mabini Campus, PUP, Sta, Mesa, Manila City) – Polytechnic Universty of the Philippines or PUP at katabi ng Philippine Coast Guard Station
  10. Lawton (Manila City) – malapit sa Quezon Bridge, Plaza Lawton at Post Office
  11. Escolta (Muelle dela Industria, Escolta, Manila City) – malapit sa Jones Bridge
  12. Plaza Mexico (Intramuros, Manila City) – malapit sa Bureau of Immigration, Manila Cathedral at Post Office 

3. Magkano ang pamasahe kapag sumakay sa Pasig River Ferry Service?


Ang pamasahe sa Pasig River Ferry Service ay depende sa layo ng ferry station na pupuntahan ng pasahero. Halimbawa, mula Pinagbuhatan papunta sa San Joaquin ay P30 ang pamasahe. Kung diretso ka naman mula Plaza Mexico papuntang Pinagbuhatan, ang pamasahe ay P95.

FareMatrix 

4. Gaano ba kalayo ang mga istasyon at gaano katagal ang biyahe sa bawat istasyon?


Ang distansiya mula sa Plaza Mexico hanggang sa Pinagbuhatan ay halos 21 kilometro at tatagal ng mahigit isang oras ang biyahe (1 oras at 25 minuto). Kung mula sa Guadalupe hanggang Maybunga ang distansiya ay mahigit 5 kilometro.

 DistanceTravelTime

 5. Anu-ano ang mga hakbang sa pagsakay sa Pasig River Ferry Service?

  • Pasuri sa guard ang bag bago pumasok sa istasyon
  • Bumili ng ferry ticket at lumagda sa manipesto
  • Maghintay sa waiting area hanggang tawagin para sumakay sa ferry boat
  • Sumakay sa ferry boat ng maayos
  • Sundin ang mga alituntunin at mga paalala habang nakasakay sa ferryboat
  • Bumaba sa ferry boat ng maayos
  • Lumabas ng istasyon
  • Ang pasaherong may kapansanan ay maaaring humingi ng tulong at ipagbigay alam lamang ang tulong o asiste na kailangan

6. Ano ano ang mga alituntunin na kailangang tandaan sa pagsakay ng Pasig River Ferry?

 
  • Bawal tumayo ang mga bata at menor de edad lalo na sa gilid ng ferry boat. Bantayan silang mabuti at huwag silang pabayaan na maglaro at magharutan sa ferry boat.
  • Bawal ang paninigarilyo sa ferry boat at station.
  • Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagtatapon ng anumang basura sa Ilog Pasig, ferry boat at station.
  • May checkpoint ang Philippine Coast Guard (PCG) bago dumaan sa Malacañang. Ito ay para sa seguridad at kaligtasan ng mga pasahero kaya ang inyong kooperasyon, pag-unawa at paumanhin ay hinihingi lalo na sa abala ng pag-tigil sa checkpoint. Ang takbo ng ferry boat ay babagal at bawal ang pagkuha ng litrato sa Malacañang area.
  • Para sa inyong kaligtasan, ang bawa’t pasahero ay may laan na life vest na matatagpuan sa inyong mga upuan. Ito ay kailangang nakasuot sa oras ng biyahe.

7. Saan kami pwedeng dumulog o tumawag para sa aming mga katanungan?

 

Ang MMDA ay may website kung saan pwedeng malaman ang mga importanteng impormasyon hinggil sa Pasig River Ferry Service at may Facebook Account din ito na MMDA Pasig Ferry ang account name kung saan nakapaskil din ang mga importanteng impormasyon at mahahalagang kaganapan at anunsiyo hinggil sa Pasig River Ferry Service.

Sa malapit na hinaharap ay magkakaroon na din ng telepono at cellular phone ang bawat istasyon para sa inyong mga katanungan.


 8. May discount po ba ang estudyate, senior citizen at may kapansanan kapag sumakay sa ferry?

Opo. Ang Pasig River Ferry Service ay tumutupad sa alituntunin nakasaad sa Republic Act No. 9994 na nagtatalaga ng 20 porsyentong diskwento para sa mga nasabing pasahero ng ferry service. Pakiusap lang po na ipakita agad ang inyong mga identification card (ID) para maibigay ang karampatang diskwento sa pamasahe.

9. Tumatanggap po ba ng exklusibo o special trip/tour ang ferry?

Opo at ito ay ginagawa tuwing Linggo or Piyesta Opisyal lamang sa kasalukuyan. Kailangan nyo lamang lumiham sa aming tanggapan at ipangalan ang inyong request sa Namamahala, MMDA Pasig River Ferry Service, MMDA Building, EDSA corner Orense St., Guadalupe, Makati City.

 

Huwag kalimutan ilagay ang mga sumusunod: kelan ang special trip, ilan ang sasakay at numero ng inyong telepono o cellphone upang kayo ay masagot ng opisina. Pwedeng iwanan ang inyong liham kahit saan sa 12 istasyon ng ferry service.